Tuesday, May 24, 2011

Marcos: Not A Hero!


(Pahayag na binasa ni Cathy Alcantara, kasapi ng UP ALYANSA at Konsehal ng University Student Council, sa “Marcos: Not A Hero” press conference sa Colegio de San Juan de Letran.)


Ngayong taon, ipinagdiwang ng buong bayan ang ika-dalawampu’t limang anibersaryo ng Unang EDSA na nagbalik ng demokratikong pamumuno sa ating bansa. Sa kabilang dako, nilagdaan naman ng halos dalawandaang kinatawan ng Kongreso ang House Resolution 1135, na nananawagan kay Pangulong Benigno Aquino III na ilibing na si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Sa muling pagbuhay sa matagal nang isyung ito, iginigiit ng UP ALYANSA ang mariin nitong pagtutol sa nasabing panukala.

Ang bayani ay isang taong nagtatanggol sa mga naapi, hindi ang kasalungat nito. Sa pagdedeklara ni dating Pangulong Marcos ng Batas Militar halos apatnapung taon na ang nakakaraan, naitala ang mga paglabag sa karapatang pantao na hanggang sa ngayon ay karamihan ng mga biktima ay hindi pa nabibigyan ng hustisya at ang mga nawawala ay hindi pa nahahanap.

Ang bayani ay isang taong iniisip ang kapakanan ng bayan, hindi ang ikasisira nito. Sa ilalim ng diktadurya, namayani ang kultura ng katiwalian na siyang sumira sa ating ekonomiya at lipunan, at nag-iwan ng bilyong dolyar na utang panlabas na nagpahirap sa mga mamamayan.

Ang bayani ay isang taong ipinaglalaban ang katotohanan, hindi ang kasinungalingan. Sa kabila ng mga ebidensya ng katiwalian at karahasan laban sa kanya, ito’y pinabulaanan ni dating Pangulong Marcos, at patuloy na pinagkikibit-balikat lamang ng kaniyang pamilya.

Bilang mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas, nakatatak pa rin sa isipan ng mga Iskolar para sa Bayan ang sakripisyo ng mga estudyante at iba pang mga progresibong grupo sa ilalim ng Batas Militar. Patunay rito ang mga kasaping-organisasyon ng UP ALYANSA, ang UP Economics Towards Consciousness (o UP ETC), ang UP Lipunang Pangkasaysayan (o UP LIKAS), at ang UP Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino (o UP BUKLOD-ISIP), na ilan sa mga organisasyong nabuo upang labanan ang mapanupil na diktadurya.

May mga nagsasabing ang paglilibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay simpleng paglilibing lamang, at katibayan na ang bayan ay humayo na mula sa mga tunggalian ng nakaraan. Ngunit, hindi rin maikakaila na isinasantabi nito ang hirap na dinanas ng ating bayan upang muling makamit ang demokrasya. Naniniwala ang UP ALYANSA na ang dapat tunguhin ng ating pamahalaan ay ang pagkamit ng hustisya sa mga biktima ng diktadurya, hindi ang paglimot sa kasaysayan.

Kasama ang UP ALYANSA sa panawagang ibasura na ang House Resolution 1135.
Kasama ang bawat Iskolar para sa Bayan sa panawagang, NO TO MARCOS AT THE LIBINGAN NG MGA BAYANI!



Ika-24 ng Mayo, 2011
Related Posts with Thumbnails