Saturday, September 10, 2011

An Appeal to Congressmen (Budget Dialogue at the House of Representatives, 07 September 2011)


by Juan Carlo Tejano
Chairperson, UP College of Social Sciences and Philosophy Student Council (CSSPSC)
Member, UP Alyansa ng mga Mag-aaral para sa Panlipunang Katwiran at Kaunlaran (ALYANSA)
Spokesperson, Student Council Alliance of the Philippines (SCAP)

Delivered on September 7, 2011
Speaker Prospero Nograles Hall, House of Representatives



* * *
Kailangan pong taasan ang budget ng SUCs at ng edukasyon sa bansa – klaro po ito para sa lahat sa atin dito. Pero ang tanong ko ay: ano ang benchmark, at ano po ba ang goal na gusto nating ma-attain para sa budget ng ating mga unibersidad?

Noong 1996, nagkaroon ng Delors benchmark, isang international standard ng education budget for different countries. At nakasaad rito na para maging internationally-competitive ang isang bansa ay kailangang maglaan ng 6% ng Gross National Product ang isang gobyerno para sa edukasyon.

Sa kasalukuyan, 2.5% lang ang allocated by the government sa ating edukasyon. Sa katunayan, talo pa tayo ng iba’t-ibang mga bansa, na mas mababa pa nga ang ranking ng percent ng GNP natin. Sa totoo lang, di ko po alam ang bansang Guyana, na mas mataas pa ang percentage na binibigay nila para sa kanilang edukasyon.

Nakakalungkot itong isipin, dahil ito ang trend na makikita natin for our history after the Marcos era. Mula noong na-set ang benchmark noong 1996, ang pinakamataas nang percentage na allocated for education ay 3.8%. Napakababa po nito mula sa 6% international standard.

Ito ang panawagan ng SCAP o Student Council Alliance of the Philippines, along with the different student councils in UP, and UP ALYANSA and Buklod CSSP – Na kailangang taasan ang percentage na binibigay ng gobyerno for education. Kailangan itong taasan para humabol sa international standard na 6%.

Bukod pa rito, at nasabi na rin ito kanina ng mga kasama naming estudyante, parating sinasabi na maramot ang SUCs kapag nananawagan ito ng mas mataas na budget.

Ayaw kong paniwalaan ito, dahil kailangang lahat ng antas ng edukasyon ay binibigyang-halaga. Nakikita natin ang commitment ng gobyerno, at pinapasalamatan natin ang gobyerno para sa pinapakita nitong commitment sa elementary at secondary education. Pero kailangan ding bigyan ng tamang prayoridad ang tertiary education sa ating bansa.

Sa kasalukuyan, meron lang 110 SUCs all over the country. Compare this to 1,573 Private Higher Educational Institutions. Clearly, itong kakaunting amount ng SUCs sa ating bansa ay nangangailangan ng pondo at suporta.

At ang SUCs na ito, ito lang ang pag-asa para sa napakaraming Pilipinong mag-aaral na nagtapos ng high school para tumuloy sa kanilang college education. Kapag hindi natin popondohan ang SUCs ay parang sinabi na natin sa kabataang Pilipino na huwag niyo nang ipagpatuloy ang inyong pag-aaral. Dahil klaro para sa ating lahat na napakaraming mahirap sa ating bansa at kailangan nila ng SUCs para makapag-aral.

Bukod pa rito, bilang mula na rin sa Unibersidad ng Pilipinas at sigurado naman ako na marami sa ating mga mambabatas dito ngayon ay nanggaling din sa aking unibersidad, kapag pumunta kayo ng UP ay hindi niyo na kailangan ng data. Basta pumunta lang kayo ng UP, makikita ninyo kung gaano ka-masalimuot ang sitwasyon ng unibersidad.

Makikita ninyo ang Palma Hall, isang historical site ng Martial Law noong 1970s-1980s, historical po talaga siya – wala pong nagbago. Sa katunayan, parang historical artifacts na ang mga kagamitan namin sa Palma Hall.

Nakita rin natin na kakasunog lang ng Chemistry Pavilion sa Palma Hall noong nakaraang taon, at isa itong senyales na talagang kailangan ng mas mataas na budget para sa unibersidad.

Ayaw rin natin na umaasa ang unibersidad sa mga estudyante para pondohan ang mismong “state” university. Kaya nga nagkaroon ng UP, dahil gusto nating pag-aralin ang mga mahihirap. Bakit natin aasahan ang mga estudyante na sila mismo ang magpopondo sa ating unibersidad?

Finally, mula sa College of Social Sciences and Philosophy, sinabi ng Presidente na ang bibigyan ng halaga ngayong taon ayon sa Proposed Budget highlights ay business process outsourcing, tourism, agriculture and fisheries, at infrastructure development.

Nakakalungkot ito dahil patuloy na walang binibigay na halaga para sa agham panlipunan at pilosopiya sa ating bansa. Klaro na kailangan natin ng economics, engineering at science para sa pag-unlad ng ating bansa, pero kailangan din natin ng agham panlipunan at pilosopiya para maisaayos ang pag-unlad natin bilang bayan.

Sa katunayan, kapag magfo-focus lang tayo sa economic development, hindi uunlad nang matino ang ating bayan. From Philosophy itself, kunwari, Philosophy ang nagbigay ng biomedical ethics sa bansa – research ethics on biomedicine. Paano natin maisasaayos ang health dito sa bansa kung wala naman tayong pagbibigay-halaga sa etika?

Tatapusin ko ang pagsasalita ko sa isang panawagan, lalo na sa mga taga-UP na mambabatas ngayon – na sana po talaga ay ipaglaban natin ang budget para sa UP. Sana ay ipaglaban natin ang budget para sa state universities and colleges, at ang budget para sa edukasyon.

Maraming salamat po.
Related Posts with Thumbnails