Wednesday, February 3, 2010

Kuwentong puyat, o kung bakit hindi dapat nakatingala kapag nangangarap.

Pangarap ang madalas nagtutulak sa atin para makagawa ng mga bagay na sa unang akala ay hindi natin kakayanin. Batang-bata ako at promdi nang unang masalpak sa UP kaya’t aminadong dehado ako kung papaanong hamunin ang bagong tereyn na ito. Kung tutuusin, hindi naman bago sa akin ang magpakabibo --- maging elementary man o high school, batang may laban na ako. Pero UP naman na kasi ito, at ang daan paakyat ay hindi kasing dali dahil sa dami naming bibo at biba. Public Administration ang kursong pinili ko kaya’t hindi mahirap isipin na ang maging lider ang karir na gusto kong pasukin.

Bilang freshie, sa Kalai ako unang nadestino. Dahil batang sadyang mapangarap at pabibo, naging Corridor Representative agad ako ng pinakababang palapag ng dorm. Dahil nga nasa pinakababa, "there’s no way but up" sa isip-isip ko kaya’t salamat sa kati ng aking paang tumakbo at sa angking (ahem) charms, naging Chairperson ako ng buong Kalayaan Residence Hall. Magaan naman sa akin ang pagbalikat ng responsibilidad na ito dahil masarap makihalubilo sa iba’t ibang kultura lalo’t gayong well-represented pa ang lahat ng rehiyon sa bansa sa dorm admissions noon.

Akala ko sa Kalai na rin matatapos ang karir ko dahil di naman na biro ang maging kinatawan ng limang-daan sa mga pinakabibong isko at iska ng buong bansa! Solb na rin ika nga pero kung bibigyan pa rin ng mas malaking pagkakataon para umangat, tuloy pa. Dito na nagsimula ang kanilang pag-aligid. Una pangiti-ngiti lang, konting kwentuhan sa isawan ni Mang Larry, tapos sa driveway ng Kalai, hanggang pati na sa NCPAG! (clue: ka-course ko siya, at sa malaon ay magiging kinatawan siya ng mga isko at iska sa Quezon Hall). Masarap siyang kausap at dahil dun madali akong nagtiwala sa kanya. Minsan nayaya niya ako sa isang forum ukol sa kalagayan ng edukasyon, at interesado naman ako kaya’t hindi na niya ako kinailangang pilitin, kusang loob na akong sumama. Sa puntong iyon naganap ang bagay na babago sa buhay ko. Hindi naging madaling masikmura lalo’t iba ang sinasabi ng utak ko sa ipinaririnig sa akin. Kung mula Kalai Chair ay mismong kalayaan ko na sa pagtatanong at pakikipagdiskusyon ang magiging kapalit ng pag-akyat, hindi bale na lang. Nawala na lang sa isip ko ang mga pangarap kong makilahok sa pulitika ng UP.

Mga bandang February at dala ng pakikibonding sa mga floormates ko mula Pangasinan ay nakita ko na lang ang sarili kong nakikigupit ng blue pins kasama nila. Iyong pangalan sa blue pin, NCPAG din pala. Sa paggupit ng blue pin nagsimula ang magiging mahabang relasyon ko sa Alyansa. Sa Alyansa pala, kahit nagugupit ng pin, pinapakinggan ang tanong. Maski freshie at saling-pusa, binigyan pa rin ako ng halaga na magkaroon ng sarili kong opinyon. Napakalaking bagay para sa akin noon lalo na’t may maikukumpara akong naging masama karanasan sa iba.

Lalo pang nasinsin ang paghanga ko sa Alyansa nang sumalang ako bilang kandidato at isa iyon sa mga bagay kung bakit maituturing kong mapalad ako. Sa loob ng mga malayang talakayan ukol sa napakaraming issue ko nakita kung gaano pinapahalagahan sa Alyansa ang pakikisama sa iba. Mahaba man o nakakapagod o abutin man ng pagpupuyat hanggang madaling araw ang mga diskusyon at debate, walang puntong maliit o hindi pakikinggan. Siyempre, parang ulam na masarap papakin, natuto akong namnamin ang bawat salita, kanino man ito nanggaling— freshie, tander, girl, boy, bakla, tomboy.

Hindi naman pala kailangang galing sa taas at sa tinitingala lamang manggaling ang mga solusyon sa mga sitwasyong ating kinakaharap. Mas mahalagang mapakinggan ang punto ng ating mga katabi, lalo na iyong mga saling-pusa— iyong mga naisantabi, isinagilid, at walang kapangyarihan.

Totoo nga, sino ka man, mahalaga sa Alyansa na maging kasama ka sa paglalakbay tungo sa mga pagbabagong atin pa ring pinapangarap.

Rbee Mallari
BA Public Administration (2006)
MA Demography, CSSP (2007-to date)
Chairperson, Kalayaan Residence Hall Association 2002-2003
NCPAG Representative, University Student Council 2004-2005
Convenor, ALYANSA Circle of Individuals 2005-2006
Related Posts with Thumbnails